Tuesday, July 28, 2015

PRESIDENT BENIGNO AQUINO III’S 2015 STATE OF THE NATION ADDRESS, JULY 27, 2015 - Excerpts; with reference to law and justice issues.


“x x x.

Noong mga panahong iyon, maski bata, natutuhan na ang salitang “scam.” Naaalala siguro ninyo: Ang Hello Garci, na sinagot lang ng “I am sorry.” Ang mga tunay na bank account ng bogus na si Jose Pidal. Ang tinangkang Constitutional Assembly para habambuhay na manatili sa puwesto. Ang EO 464 na nagtangkang supilin ang katotohanan. Ang pagdeklara ng State of Emergency, para umilag sa checks and balances ng 1987 Constitution ukol sa Martial Law. Ang midnight appointments. Ang Calibrated Preemptive Response na ginamit laban sa mga nagpoprotesta. Sa wika pa lang po, mali na ito. Paano nauuna ang response? Para mo na ring sinabing nag-reply ka sa taong hindi ka naman tinext.


X x x.


Bawat opisyal ng gobyerno, nanumpang maging makatarungan sa kapwa at sumunod sa batas. Pero klaro: Ang ginawa ng nauna sa atin, kabaliktaran nito. Nakita natin ang pinakamasahol na ehemplo noong Nobyembre ng 2009, nang pinaslang ang 58 na Pilipino sa Maguindanao. Isipin lang ito, mali na. Ginawa nila, lalong mali pa. Pero ang matindi po: Naniwala silang malulusutan ito, dahil nasa poder sila—kaya nila itinuloy. Ilang halimbawa pa lang po ito na batid ninyo, napakarami pang iba.


Sa ganitong situwasyon, masisisi ba natin ang mga kababayang lumikas na dahil walang makitang pag-asa?


X x x.


Ang Ombudsman na itinalaga para bantayan ang katiwalian, diumano’y nagbulag-bulagan sa mga eskandalo ng nakaraang administrasyon. Na-impeach siya sa Kamara, at nagbitiw sa puwesto bago malitis ng Senado. Ang Punong Mahistradong tila ba may pagkiling sa nag-appoint sa kanya, ay napatunayang naglihim ng yaman at ari-arian sa SALN, na-impeach ng Kongreso at na-convict ng Senado.


Kapalit nila, nagtalaga tayo ng mga taong may integridad at sariling pasya. Ang bagong Ombudsman: si Conchita Carpio-Morales. Ang bagong Chief Justice: si Ma. Lourdes Sereno. Ngayon, may sapat na panahon na siyang magpatupad ng reporma sa Hudikatura.


X x x.


Sa itaas, gitna, o ibaba ng burukrasya, napakarami nang sinuspinde, tinanggal sa puwesto, sinampahan ng kaso, o di kaya’y nasa piitan. Kung may nagdududa pang tunay nang nakapiring ang katarungan, maganda po sigurong ituon nila ang pansin sa tatlong senador na kasalukuyang naka-detain, at sa dating pangulong naka-hospital arrest.


X x x.


May mga magsasabi: mag-move on na raw tayo. Ako naman po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: Ang makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito.


Tingnan po ninyo ang ginagawa ng mga nagkasala sa atin. Una, ipinapalimot ang kanilang mga nagawa. Pagkatapos, sasabihin nila, “Kawawa naman kami.” Sinamantala na nga tayo, sinasamantala pa ang likas nating pagkamaawain, para tuluyang makatakas sa pananagutan. Ang kasunod, gagawa sila ng paraan para makabalik sa poder. Di ba’t iyan naman talaga ang kanilang master plan, upang patuloy pa tayong pagsamantalahan?


X x x.


Natutuhan ko nga po sa aking mga magulang, sa simbahan, at sa mga proseso ng batas: Anumang paghihilom ay nagsisimula sa pag-amin at pagsisisi ng nagkasala. May naalala ba kayong nagsabing, “Sorry sa pagnanakaw at pang-aabuso, handa na akong magbago”? Ang sa akin lang po: Makakamove-on lang tayo kapag nakamtan ang katarungan.


X x x.


Nagpatuloy nga po ang pagsasaayos ng mga institusyon, upang muli silang maituon sa tunay nilang mandato. Halimbawa: Sa Government Owned and Controlled Corporations. Ang mga itinalaga dito, nanumpang pangalagaan ang yaman ng bayan. Ang masakit, maski nalulugi na nga ang mga GOCC, kaliwa’t kanang benepisyo’t insentibo pa ang ipinamudmod nila sa kanilang sarili. Kumbaga sa baka, habang ginagatasan ang institusyon, gusto pang karnehin. Kaya ang dibidendo ng nakaraang administrasyon, 84.18 billion pesos lang sa loob ng siyam at kalahating taon.


Sa atin, nabawasan na ang GOCC’s sa pagpapasara ng mga nawalan na ng saysay, pero dahil pinatino ang palakad: Umabot na sa 131.86 billion pesos ang dibidendo sa loob ng 5 taon mula nang tayo po ay maupo. Hindi nga po malabong bago tayo bumaba sa puwesto ay madodoble na natin ang dibidendo ng ating pinalitan, na mas mahaba ang panahon para mag-ipon.


X x x.


Ganitong paninindigan din ang ipinamalas natin sa BIR, na siyang pinakamalaking revenue generating agency ng pamahalaan. Dumating tayong pinakamataas na sa kasaysayan ang 778.6 billion pesos na koleksyon noong 2008. Tinambakan natin ito. Noong 2012, 1.06 trillion pesos ang nakolekta ng BIR—ang unang pagkakataon sa kasaysayang tumawid ng 1 trillion pesos ang ating koleksyon. Nitong nakaraang taon, umakyat na ito sa 1.3 trillion pesos, at aabot pa sa 1.5 trillion pesos ang malilikom ngayong 2015. Limang taon lang ang kinailangan para mapantayan, mahigitan, at halos madoble ang pinakamalaking nakolekta ng ating sinundan. Nagawa ito nang tumutupad sa pangakong ‘di magpapataw ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform.


Paano narating ito? Simple lang po: Ako po ay naniniwala na mabait si Comm. Kim Henares. Si Comm. Kim Henares, walang tax evader na sinanto. Ngayon, 380 kaso na ang naisampa laban sa mga nagtangkang umiwas sa buwis. Ginawa rin niyang episyente ang sistema ng pagbabayad ng buwis, at sinigurong malinaw sa lahat ang kanilang tungkuling makiambag sa pag-angat ng bansa.


X x x.


Ang Cadastral Survey, na sinimulan pa noong taong 1913, tapos na natin. Inabot ng halos isang siglo ang mga nauna sa atin para matapos ang 46 percent nito. Ang mahigit kalahati pong natitira, nabuno natin sa 5 taon sa puwesto. Ito pong Cadastral Survey ang tumutukoy sa hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas. Sa ARMM, halimbawa, para bang nanganganak ang lupa: Sabi ng mapa, 1.2 million hectares lang ang meron, pero kung susumahin ang idinedeklarang lupa, 3.7 million hectares ang inaabot. Ngayon, dahil naayos na ang land record system, wala nang nanganganak na lupa sa ARMM.


X x x.


Pangunahin siyempre po dito: Ang Bangsamoro Basic Law. Sa mga tutol sa batas na ito: Palagay ko, obligasyon ninyong magmungkahi ng mas magandang solusyon. Kung wala kayong alternatibo, ginagarantiya lang ninyong hindi maaabot ang pagbabago. Ilang buhay pa ang kailangang ibuwis para magising ang lahat sa obligasyong baguhin ang sirang status quo sa Muslim Mindanao?


X x x.


Inilalapit din po natin sa Kongreso ang Rationalization of Fiscal Incentives. Kung maipapasa ito, maitatama ang papatsa-patsang sistema ng pagbibigay insentibo at magiging mas makatwiran ang pagbubuwis sa mga negosyo. Hinihiling rin namin ang agarang pagtutok sa Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill, para tuluyang maisulong ang isang makatarungang sistemang pampensyon para sa kanila. Agaran po sanang maipasa ang batas na ito, dahil ngayon pa lang, trilyong piso na ang kakailanganin para pondohan ang pensyon ng unipormadong hanay. Kailangan ng awtorisasyon ng batas para matugunan ang masalimuot na sitwasyong ito.


X x x.


Naaalala ko rin po: Kumontra akong pagkaitan ang isang tao ng karapatang tumakbo sa puwesto, dahil lang sa kanyang apelyido. Bakit nga naman tayo gagawa ng batas para pigilang maglingkod ang gustong maglingkod?


Pero napapaisip po ako: May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibiduwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensyon sa mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law.


X x x.


Dahil sa Kongreso, naipasa ang mga batas na kikilalanin bilang haligi ng transpormasyong sinisimulan natin ngayon. Sa Kamara at Senado, lalo na sa mga kasapi ninyong naging kabalikat sa Daang Matuwid nitong mga nagdaang taon: Salamat sa Philippine Competition Law, sa Act Allowing the Full Entry of Foreign Banks, at sa pag-amyenda sa Cabotage Law. Salamat sa Sin Tax Reform Act. Salamat sa Responsible Parenthood Act. Salamat sa lahat ng iba pang makabuluhang batas na inyong ipinasa. Tunay nga pong napakalaki ng naiaambag ng isang Kongresong determinadong maging katuwang sa pagsusulong ng pagbabago.


X x x.


Sa ugnayang panlabas: Ginawa at ginagawa rin po natin ang lahat para maging responsableng miyembro ng pandaigdigang komunidad; sa bawat hakbang, ang hinihiling lang natin ay ang makatuwiran at naaayon sa batas. Ang problema ng lahat, isinulong nating solusyonan ng lahat, at hindi ng iilang panig lamang. Alam din po ninyo, may hinaharap tayong hamon sa West Philippine Sea. Ang ating kabangga, di hamak na mas lamang, sa impluwensya man, ekonomiya, o puwersang militar. Pero sa batayan ng katuwiran at pagmamahal sa bayan, hindi po tayo nahuhuli. Gaya sa lahat ng iba pang suliranin, pagkakaisa po ang tanging susi para mapangalagaan ang ating karapatan.


X x x."