Sunday, March 18, 2012

Speech of President Aquino during the commencement exercises of the Philippine Military Academy BAGWIS Class, March 18, 2012 | Official Gazette of the Republic of the Philippines

Speech of President Aquino during the commencement exercises of the Philippine Military Academy BAGWIS Class, March 18, 2012 | Official Gazette of the Republic of the Philippines

"x x x.


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos ng Philippine Military Academy “BAGWIS” class ng 2012
[Inihayag sa Fort General H. del Pilar, Lungsod ng Baguio, noong ika-18 ng Marso 2012]
Sa isa po sa mga liham ni Heneral Vicente Lim sa kaniyang anak, sinuri niya ang demokrasya sa Pilipinas. Sabi po niya, “Our democracy in the Philippines is unilateral. It is only for the benefit, for the freedom, for the rights, comfort and happiness of each individual member of the nation… . I venture to say that 99.9% of our people believe in that kind of democracy. They do not know their obligations, their duties and the sacrifices that they should give to the state… .”
Malinaw po ang pinupunto ni Heneral Lim—isa sa mga pinakadakilang kawal na nagbuwis ng buhay para sa atin pong bansa. Ang kalayaang tinatamasa natin ay may kakambal na responsibilidad, at ang kaunlarang hinahangad natin ay may kaukulang pagsusumikap. Iyan ang kaisipang sinasagisag ng First Rank Insignia o “Lieutenant’s triangles” na iginagawad sa bawat kadeteng magsisipagtapos, na pinasimulan ng mismong maybahay ni General Lim, si Ginang Pilar Hidalgo Lim. Ang hamon: susuklian ba ninyo ng kabutihang loob, katapatan, at kahandaang magsakripisyo ang mga biyayang inihahandog sa atin ng demokrasya?
Tiwala ako sa kakayahan ninyong tumugon sa hamon na ito. Iyan ang itinuro sa inyo ng Philippine Military Academy, at iyan din marahil ang natutuhan ninyo mula sa mga magulang ninyong nag-alay ng pagod at ari-arian para mairaos ang inyong pag-aaral. Narinig ko nga po ang kuwento ni Mang Mario Puertollano. Walang pagod siyang nagkarpentero upang maabot ang pangarap na makapag-aral ang lahat po ng kanyang mga anak. Pangatlo na po ang nakatapos ngayon; pangapat po ang nagaaral sa Batangas State University.
At ngayon, makalipas ang apat na taon, mas luluwag na nang kaunti ang paghinga ni Mang Mario sa pagtatapos ng anak niyang si Nonoy, ang inyong class valedictorian. Kay Nonoy naman, at sa buong BAGWIS Class 2012: Matapos ang masinsing mental at pisikal na pagsubok na matagumpay ninyong nalampasan, huwag sana kayong magugulat kung sasabihin kong: Congratulations, tapos na ang apat na taon ninyong bakasyon dito sa Fort del Pilar. [Laughter] Tapos na po ang praktis; simula na ng pagharap sa mga tunay na suliranin ng inyong piniling larangan: ang pagtugon sa mga tunay na problema ng atin pong lipunan. Panahon na ng totoong sukatan ng inyong pagkakawal, pagka-Pilipino, at—higit sa lahat, marahil—ang pagkatao: Ang pagharap sa sangandaan.
Sa labas ng Fort del Pilar, hindi na lamang mga armadong grupo sa kabundukan, o masasamang elemento sa lungsod ang kailangan ninyong labanan. Nandiyan ang tukso ng katiwalian. Halimbawa: kung madestino kayo sa mga liblib na lugar at may dumaan na trak-trak ng troso, ano ang gagawin ninyo? Maliwanag sa inyong bawal po ito. Tatanggap ba kayo ng sobre at titingin sa malayo habang pinapadausdos nila ang troso tungo sa ilog? Mulat kayo sa pinsalang dulot ng pagragasa ng mga dambuhalang troso na umaararo sa mga tulay, lumulunod sa mga bahay, at kumikitil sa buhay ng ating mga kababayan. Kaya ba ninyong sabihing, “Hindi ko tatanggapin iyan, dahil kapalit ng panandalian kong ginhawa ay ang pangmatagalang pinsala sa aking kapwa?”
Lagi ninyong tatandaan: bilang kalasag ng ating estado, kayo dapat ang unang takbuhan at tagapagtanggol ng taumbayan. Kapag pakiramdam nila ay hindi kayo matatakbuhan, at wala silang mapapala sa paghingi ng tulong sa inyo, tatakbo sila sa mga nagpapanggap na tagapagligtas. Pero kung nagagawa ninyo ang inyong tungkulin, ang taumbayan mismo ang inyong magiging pinakatapat na kakampi. Huwag ninyong kalilimutang sa kahit na anong bakbakan, ang laging mananaig ay ang pinapanigan ng taumbayan.
Ito mismo ang dahilan kung bakit taun-taong ginagawaran ng Commander-in-Chief ang bawat class valedictorian ng Presidential Saber. Ang paggawad ko nito ay sagisag ng tunay na bukal ng kapangyarihan: mula sa akin, na isang sibilyan, tungo sa isang unipormadong sundalo.
Ang ating lakas ay nanggagaling sa atin pong mga boss: ang mamamayang Pilipino. Naaalala ko nga, minsan ko nang tinanong ang akin pong yumaong Ina, at ang aking tanong po ay ganito: Ano ba ang napapala ng mga nagsasamantala at nagnanakaw sa taumbayan? Kapag nagnakaw ka, iisipin mo kung saan mo ito itatago. Hindi ka rin mapapanatag dahil takot kang nakawin sa iyo ang ninakaw mo. Aanhin ang bahay na magarbo kung ang kapalit ay ang habambuhay na pagbusisi at masamang pagtingin ng kapwa nating mamamayan? Hahakot ka ng milyon-milyong pisong halaga, na hindi mo rin naman magagastos kasi baka maging dahilan pa ng pagkakulong mo kapag iginastos mo ang ninakaw mong pera, kaya itatago mo na lang ito. [Applause] Pero iyong ibang nagtago, naiungkat na natin. [Laughter] Bakit mo hahayaang madungisan ang pangalan mo kung hindi mo rin naman mapapakinabangan ang perang ninakaw mo sa kaban ng bayan? Pagkahabahaba ng tanong ko, ang sagot ng aking ina ay simpleng-simple: “Talagang hindi natin sila maiintindihan, dahil iba ang takbo ng isip nila sa atin. Kaya wag ka nang magaksaya ng panahong unawaan ang hindi maunawaan.” [Applause]
Iba nga naman ang nagpapatibok sa puso ng tunay na lingkod-bayan: katapatan, integridad, at malasakit sa kapwa. Sa mga katangian ding iyan kayo susukatin ng mamamayang sinumpaan ninyong paglingkuran. At bilang mga kawal na Pilipino, nakaatang sa inyong balikat ang kanilang mapayapang kinabukasan. Maliwanag po: ang paggawa ng tama ang susi sa katatagan ng ating bansa at sa tagumpay nating lahat.
At di ba’t may katumbas din namang pag-aaruga ang inyong mga sakripisyo? Patunay itong tumatawid sa inyong mga kabaro ang mga repormang inilalatag natin sa tuwid na daan. Batid natin ang hirap ng inyong trabaho, kaya naman bilang pagkilala sa inyong pakikipaglaban sa masasamang elemento, pagresponde sa panahon ng kalamidad, at pagpapanatili ng kapayapaan sa ating bansa, kaliwa’t kanan po ang mga programa ng pamahalaan upang hindi na muling maging kawawang cowboy ang ating mga sundalo’t kapulisan. [Applause] Tinututukan natin ang inyong pangangailangan upang masiguro na maayos din ninyong magagampanan ang inyong obligasyon sa bayan.
Sa kasalukuyan, nakapagpatayo na tayo ng 21,800 housing units para sa ating mga sundalo’t pulis sa Luzon. Nakalatag na rin sa taong ito at tatakbo po ng 15 buwan ang plano, kasama na ang pondo, ng NHA na magpapatayo ng karagdagang 31,200 housing units para sa ikalawang yugto ng atin pong programa. Lumalawak na rin po ang saklaw ng programang ito: Makikinabang na rin dito ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection na tila nabalewala sa matagal na panahon—kasama rin po diyan ang Bureau of Corrections. At ang maganda pa po diyan, tatawid ito sa inyong mga kabaro sa Visayas at Mindanao.
Tandaan lang po natin, bago tayo mailuklok sa puwesto, inabot ng 15 taon bago nila maabot ang 33-bilyong piso na pondo para sa AFP modernization program. Labinlimang taon po: 33 billion pesos. Hindi na po tayo nag-atubili: Sa loob lamang ng 18 buwan, nakalikom na tayo ng 28 billion pesos, at 18 proyekto sa ilalim ng kasalukuyang modernization program ang matagumpay na nating naisakatuparan. Mula sa paglalayag ng ating kauna-unahang Hamilton-class cutter—ang BRP Gregorio del Pilar, hanggang sa mga brand new na Combat Utility Helicopters na roronda sa ating papawirin, talagang tinitiyak natin na maipagkakaloob sa inyo ang inyong mga pangangailangan, upang higit pa kayong ganahan sa inyong trabaho, at mas marami pa kayong matulungan na mga Pilipino.
At para mapadali ang pagbabantay sa masasamang elemento, pinailawan na rin po natin ang libu-libong sitio. Mantakin po ninyo: Base sa datos ng Department of Energy at ng National Electrification Administration, halos 36,000—ulitin ko po—36,000 na sitio na nasa dilim ang iniwan sa atin ng nakaraang administrasyon. Para masubukan kung kaya ngang ipatupad ng DOE at ng NEA ang kanilang proyekto, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos upang pailawan ang tinatarget na 1,300 sitios noong last quarter ng 2011. Masusing pagpaplano at mahusay na pagpapatupad ng DOE at NEA: ang target nating 1,300 na sitio na bibigyang-liwanag, naging 1,520, at nakumpleto natin ito sa loob lamang ng 90 araw. Ang dating umaabot ng isang milyong piso kada sitio, nagawa lamang po natin ito sa halagang humigit-kumulang 700,000 piso bawat sitio. Patunay lamang po ito na sa tuwid na daan, natutugunan natin ang mga pangangailangan ng mga Pilipino, hindi po in due time, kundi ora-mismo. Sa madaling salita po, iyong dating tinatayang one million, naging 700,000 na lang. Nagkaroon po tayo ng savings na halos-kalahating bilyon, idadagdag po sa pondo ng pailaw sa taong ito. Hindi po bababa ng 3,000 nanamang sitio ang minimum na ikakabit natin sa national grid.
Alam kong hindi naging madali ang landas na tinahak ninyo upang maabot ang inyong mga pangarap. Samahan ninyo ako sa pagpapadali sa landas na kailangang tahakin ng susunod na salinlahi. May mga pagkakataong kumakatok ang tukso para manlamang sa kapwa, at lumihis sa tuwid na landas. Subalit kailangang mamayani sa inyo ang kaisipan na sa bawat panlalamang, may mga Juan at Juana dela Cruz din kayong pinapahirapan. Kapag nanlalamang ka, garantisadong may pineperwisyo kang kapwa. At kung may mabuti kang ginawa, sigurado rin naman po, garantisado ring, may babalik din sa iyo, at sa ating bayan na pagpapala.
Alalahanin po natin: maaabot lamang natin ang ating mga mithiin kung handa natin itong ipaglaban. Sa lahat ng kasapi ng PMA Class 2012 na BAGWIS: pahalagahan, at huwag ninyong kakalimutan ang araw na ito. Sa tuwing nahaharap kayo sa sangandaan, magbalik-tanaw sana kayo sa araw na ito upang sariwain ang tunay na dahilan kung bakit ninyo piniling maging bahagi ng institusyong ito; kung bakit ninyo piniling maging kawal ng Pilipino; kung bakit ninyo nagawang lampasan at pagtagumpayan ang lahat ng mga pagsubok sa Philippine Military Academy.
Harinawa, pagkalipas ng ilang dekada at kayo naman ang sasalubong sa mga bagong kadete ng PMA, maaari ninyo silang titigan nang walang pag-aalinlangan, at sabihin sa kanilang: “Mas maayos ang kalagayan ninyo, at mas matagumpay at mas iginagalang ang mga kawal ngayon, dahil sa abot ng aming kakayahan, ibinigay namin ang aming puso’t lakas—hindi paminsan-minsan, kundi palagi—para sa mas maginhawang kinabukasan ng ating tunay na Boss: ang taumbayan.”
Magandang araw po. Maraming salamat sa lahat.
 x x x."