"x x x.
Iba’t ibang pribilehiyo ang nakasaad sa Magna Carta of Disabled Persons atRepublic Act 9442 upang protektahan ang mga taong may kapansanan o PWDs (persons with disabilities).
SINO-SINO ANG MGA TAONG MAY KAPANSANAN?
Itinuturing na may kapansanan ang mga taong may dinaranas na hadlang sa kanilang iba’t ibang kakayahan. Bunga ito ng pinsala sa pag-iisip, katawan, o pandama. Dahil dito, hindi nila nagagawa ang mga aktibidad na itinuturing na pangkaraniwan para sa karamihan.
ANO-ANO ANG MGA ITO?
1. 20% diskuwento
- sa mga gamot na mabibili mula sa mga botika, ospital, klinika, at iba pang katulad na establisimyento.
- sa mga serbisyong medikal, dental, pati mga bayarin kapag nagpapa-diagnose, laboratory, x-ray, computerized tomography, blood test, at iba pa. Kabilang din dito ang professional fee ng doktor sa lahat ng pribadong ospital.
- sa mga teatro, sinehan, konsiyerto, sirkus, karnabal, museo, parke, at iba pang lugar-pangkultura at pang-aliw.
- sa pamasahe sa kahit anong uri ng biyahe: karagatan, himpapawid, kalsada, o riles.
- Sakaling may promo sa barko o eroplano at mas mataas sa 20% ang diskuwentong iniaalok nito, maaaring kunin ng PWD ang promo subalit hindi na idaragdag dito ang 20% orihinal na diskuwento.
- May 20% diskuwento rin sa mga skyway at expressway, sa kondisyong pagmamay-ari ng PWD ang sasakyan.
2. Espesyal na diskuwento
- Para sa mga espesyal na programa, maaaring bigyan ang PWD ng espesyal na diskuwento sa mga pangunahing bilihin mula sa mga supermarket at grocery.
3. Tulong pang-edukasyon
- Scholarship, tulong-pinansiyal, at iba pa sa elementarya, sekondarya, tersiyarya, masterado at doktorado, teknikal o bokasyonal na edukasyon sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
- Suporta sa pagbili ng mga aklat, uniporme, kagamitan sa pag-aaral, at iba pa.
- Upang makuha ang mga tulong na ito, kailangang maipasa ng PWD ang mga minimum na kahingian ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education Department (CHED), Technical and Skills Development Authority (TESDA), at iba pang mga institusyong nagbibigay ng tulong para sa edukasyon ng mga PWD.
4. Express lane
- Magkakaroon ng express lane, o espesyal na pila, para sa mga PWD sa lahat ng pribado, komersiyal, at panggobyernong establisimyento. Sakaling wala, prayoridad ng establisimyento ang mga PWD sa kanilang mga transaksiyon.
- Inaatasan ang lahat ng establisimyento na magtalaga ng isang tauhan na panguhaning aasikaso sa mga PWD.
5. Insentibo sa buwis
- Para sa mga kasal na indibidwal, mayroong P8,000 insentibo sa buwis para sa bawat anak na PWD (di-lalampas sa apat).
- Para sa mga solong magulang, mayroong P8,000 insentibo sa buwis para sa bawat anak na PWD (di-lalampas sa apat).
KAILANGAN PA BA NG PWD ID PARA SA MGA PRIBILEHIYO?
Oo.
PAANO MAKUKUHA ANG PWD ID?
Sundin ang sumusunod na hakbang para makakuha ng PWD ID:
- Kumuha ng application form mula sa sumusunod:
- Tanggapan ng Alkalde (Office of the Mayor)
- Tanggapan ng Kapitan ng Barangay (Office of the Barangay Captain)
- National Council on Disability Affairs (NCDA) o katumbas nito sa bawat rehiyon
- Mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)
- Mga organisasyong may memorandum of agreement sa Department of Health (DOH)
- Sagutan ang application form, maaari itong gawin mismo ng PWD o ng kanyang tagapag-alaga.
- Magdala ng dalawang “1×1″ na litrato at idikit ito sa application form.
- Magdala ng sertipikasyon ng pagiging PWD mula sa kahit anong lisensiyadong pribado o pampublikong klinika, o doktor mula sa mga ospital. Ilakip sa application form.
- Kailangang dalhin o i-upload ng aplikante, tagapag-alaga, o registration center personnel ang application form sa pinakamalapit na City of Municipal Health Office o sa mga satellite office nito sa mga barangay upang beripikahin.
- Sakaling di nakakikilos ang PWD, pupuntahan siya ng registration center personnel sa kanyang tahanan upang beripikahin ang mga detalye ng aplikasyon at kanyang kapansanan.
- Ipaaalam sa mga di-tinanggap na aplikasyon ang naging pagkukulang nila at papayagan silang mag-aplay muli.
- Sa oras na maberipika, ipadadala ang mga application form sa Health Officer ng Main City o Municipal Health Center. Sasagutan ng Health Officer ang certification form, maglalakip ng control number, at ia-upload ang impormasyon sa Philippine Registry for Persons with Disabilities.
- Kailangang dalhin ng aplikante ang aprobadong application form at certificate of disability sa City o Municipal Social Welfare Office o NCDA para makuha ang kanyang ID. x x x."